CAUAYAN CITY – Patay ang magkaibigan na kinabibilangan ng isang college student makaraang mabiktima ng hit and run sa Bascaran Solano, Nueva Vizcaya.
Ang mga namatay ay sina Roylence Bautista, 21 anyos, tsuper ng motorsiklo at Aldrin John Dilan, 18 anyos, college student at kapwa residente ng Balete Diadi, Nueva Vizcaya.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Solano Police Station, isang tawag ang kanilang natanggap kaugnay sa pagkaka-aksidente ng mga biktima.
Agad tinungo ng pulisya ang pinangyarihan ng insidente at dito nakita ang nakahandusay na katawan ng mga biktima na duguan sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan.
Isinugod sa Veterans Regional Hospital sa Bayombong ang dalawa subalit idineklarang dead on arrival ng kanilang attending physician.
Patuloy pang inaalam ng mga otoridad kung sino ang tsuper ng sasakyan nakabanga sa motorsiklo na sinakyan ng dalawa.




