CAUAYAN CITY- Arestado ang dalawang trabahador sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga otoridad sa Barangay Mabini, Santiago City matapos maaktohang nagbebenta ng ilegal na droga.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan matagumpay na nadakip ang mga pinaghihinalaan sa pinagsanib-pwersa ng miyembro ng kapulisan mula sa Santiago City Police Office Station 4 at City Intelligence Unit ng lungsod.
Ang mga suspek ay sina alyas “Kevin” 27 taong-gulang, may asawa, trabahador at residente ng San Andres, Santiago City at alyas “Jay”, 41 taong-gulang, may asawa, trabahador at residente ng Rizal, Santiago City.
Nakumpiska sa pag-iingat ng mga suspek ang isang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang shabu.
Nasamsam din mula sa kanila ang isang piraso ng genuine five hundred pesos, isang pekeng one thousand pesos na buy-bust money at isang unit ng cellphone.
Sa ngayon ang mga suspek at ang mga naturang ebidensiya na nakalap sa imbestigasyon ay nasa kustodiya na ng Police Station 4 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.