20-anyos na Korean actress at social media influencer na si Yoon Ji-ah natagpuang wala ng buhay tatlumpung minuto matapos ang kanyang huling livestream.
Ang biktima ay brutal umanong pinaslang ng isa sa kanyang tinaguriang “VIP fan.”
Ayon sa ulat, isinilid ng suspek ang bangkay ni Yoon sa isang maleta bago itinapon sa isang liblib na damuhang bahagi ng kabundukan sa Muju County, North Jeolla Province, South Korea.
Natagpuan ng mga pulis ang kanyang bangkay noong September 11, 2025 na puno ng pasa at may mga palatandaan ng pagkakasakal at ang sanhi ng kanyang kamatayan ay asphyxiation o pagkasuffocate dahil sa compression sa leeg.
Batay sa imbestigasyon, huling nag-livestream si Yoon sa Yeongjong Island, Incheon.
Makalipas lamang ang 30 minuto matapos siyang mag-sign off pinaniniwalaang inatake na siya ng suspek.
Natagpuan ang kanyang katawan sa lugar na mahigit tatlong oras ang biyahe mula sa pinakahuling lokasyon ng kanyang broadcast.
Ang suspek na si Choi, nasa edad 50 ay naaresto ng mga awtoridad.
Noong una ipinakilala niya ang sarili kay Yoon bilang isang CEO ng IT company at nakilala online bilang “big-spending VIP” at “Black Cat.”
Pinaniwala niya si Yoon na magiging matagumpay silang business partners at tutulungan niya itong mapalago pa ang social media career nito.
Ngunit ayon sa ulat hindi naman siya kasing-yaman ng kanyang ipinapakita at lumalabas na si Choi ay lubog sa utang at nawalan pa ng bahay matapos itong maipa-auction.
Nang matuklasan ni Yoon ang mga kasinungalingan ng suspek nagpasya umano siyang putulin ang kanilang ugnayan.
Sa isang CCTV footage, makikitang lumuhod si Choi sa harap ni Yoon habang nagmamakaawa na huwag nitong itigil ang kanilang business deal.
Ayon naman sa pamilya ni Yoon mayroon pang isang footage kung saan makikitang pilit siyang hinila pabalik sa loob ng kotse.
Makikita rin sa mga surveillance video si Choi na may dalang maleta habang nagmamaneho patungo sa kabundukan kung saan kalaunan natagpuan ang bangkay ni Yoon.
Upang lituhin umano ang mga imbestigador, walong beses siyang huminto sa daan bago itinapon ang katawan.
Naaresto si Choi dalawang araw matapos matagpuan ang bangkay ni Yoon.
Noong una itinanggi niya ang mga paratang ngunit kalaunan ay umamin sa krimen nang ipaalam sa kanya ng mga pulis na natagpuan na ang katawan ng biktima.











