
CAUAYAN CITY – Nag-ikot ang Department of Trade and Industry (DTI) Isabela katuwang ang mga kawani ng Local Government Units upang siyasatin at kumpiskahin ang mga depektibong timbangan sa mga pamilihan sa Lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lovell Mark Campania, Senior Trade Industry Development Specialist ng DTI Isabela, sinabi niya na batay sa Republic Act 7394 o Consumer Act, nakasaad na ang naturang hakbang ay dapat pinangungunahan ng mga kawani ng Local LGU at Provincial LGU subalit dahil ang DTI ang may sapat na kakayahan at kagamitan para sa pagsuri ng mga timbangan ay tumutulong na rin sila sa mga LGU sa pagsusuri sa mga depektibong timbangan.
Sa ngayon ay ang mga bayan pa lamang ng Cordon, San Manuel at Mallig ang kanilang naikutan at nasa 20 timbangan na ang kanilang nakumpiska.
Ang mga nakitang depektibong timbangan ay kinumpiska ng kanilang LGU Counter part at ang mga maaari pang ayusin o i-calibrate ay aayusin subalit ang mga wear and tear ay ma-didispose o sisirain.
Ang mga nasamsaman ng timbangan ay pinayuhang makipag-ugnayan sa kanilang mga LGU’s.
Pinayuhan din ang mga vendors na ugaliing i-calibrate ang kanilng timbangan dalawang beses sa loob ng isang taon upang matiyak na walang depekto.
Kabilang rin sa kanilang sinusuri ang mga timbangan ng bayan at ang mga makikitang depektibo na ay bibigyan ng pondo upang agad na mapalitan.
Maliban sa operation timbangan ay kasama na rin sa kanilang minomonitor ang pagtalima ng mga vendors at mga bahay kalakal sa price tag law at kung nasusunod ang kanilang itinakdang suggested retail price (SRP).
Hinikayat ng DTI Isabela ang mga market vendors na ugaliing gumamit ng price list upang agad na makita ang presyo ng kanilang paninda.










