--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsilikas na ang ilang mga residente sa bayan ng Palanan, Isabela bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Kristine.

Ito ay kinabibilangan ng 20 pamilya o katumbas ng 72 na indibidwal mula sa apat na Coastal Barangay sa Palanan na apektado ng storm surge.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay John Bert Neri, Assistant Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer ng Palanan, sinabi niya na mayroon na silang natanggap na ulat na minor damages sa mga imprastraktura.

Nailipad kasi ang bubong ng isang bahay sa Brgy Centro East bunsod ng malalakas na pag-ulan at hangin na naranan sa lugar sa buong magdamag.

--Ads--

Maliban sa coastal barangays ay tinutukan din nila ngayon ang mga maaari ma-isolate na mga Barangay sa Palanan na kinabibilangan ng Brgy. Dinaddungan, San Isidro at Brgy Maligaya kapag umapaw ang tubig sa Pinacanawan River.

Kaugnay nito ay naka-preposisyon na rin ang mga family food packs para sa mga apektadong indibidwal at fisherfolks kung saan tiniyak niya na sapat naman ang kanilang resources para sa pangangailangan ng mga residente.

Nakataas na rin ang no sail policy at liquor ban sa naturang bayan at aktibo naman umano sa pagsunod ang mga residente sa mga panuntunan.