--Ads--

Isinusulong ng grupo ng mga magsasaka ang pagtatakda ng floor price sa palay kasunod ng paluging presyo nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Raul Montemayor, Manager ng Federation of Free Farmers, sinabi niya na ayon sa mga dalubhasa, 15 pesos ang gastos ng mga magsasaka sa kada kilo ng palay at dapat mas mataas dito ang floor price nito para hindi malugi ang mga magsasaka.

Sa ngayon, 20 pesos ang gusto nilang floor price ng dry na palay ngunit kinakailangan pa umanong pag-aralan ito para maitakda ang tamang presyo na nararapat para sa mga magsasaka.

Aniya, masigasig ang Gobyerno sa pagtatakda ng maximum suggested retail price sa bigas at dapat ganito rin ang gawin nila sa presyo ng palay lalo na at malaki ang ambag ng mga magsasaka sa ekonomiya ng bansa.

--Ads--

Nilinaw naman niya na floor price ay ipapataw lamang sa “point of first sale” o ang pagbebenta ng mga magsasaka ng palay sa mga traders.

Kapag ibibenta naman na ito ng mga traders sa mga miller ay hindi na iiral ang floor price.

Nais ng kanilang hanay na magkaroon ng patakaran hinggil dito na kung sino mang traders ang hindi sumunod ay maaaring habulin ng Gobyerno.