--Ads--

CAUAYAN CITY – Sasailalim na sa in-house training ang nasa dalawandaang atleta ng DepEd Region 2 ilang linggo bago tumulak sa Cebu City para sa gaganaping Palarong Pambansa 2024.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Sports Officer Ferdinand Narciso ng DepEd Region 2 sinabi niya na patuloy ang ginagawang paghahanda ng buong delegasyon para sa kanilang pagsabak sa Palarong Pambansa.

Aniya abala rin ang medical at screening committee ng DepEd para sa mga dadalhing dokumento na kanilang ipapakita sa Cebu City.

May kaniya-kaniyang paghahanda ang lahat ng mga Division Offices kung saan mag in-house training na ang delegasyon sa Lalawigan ng Isabela pangunahin sa Lunsod ng Ilagan na kinabibilangan ng nasa dalawandaang atleta mula ika-dalawampu’t anim hanggang ikadalawamput siyam ng Hunyo, isang araw bago tumulak ang delegasyon sa port of Manila.

--Ads--

Sa kabuuan ay nasa 692 ang kabuuang manlalaro ng DepEd Region 2 kung saan 450 dito ay mga atleta na manggagaling sa Elementarya at Sekondarya at pinakamarami dito ay mula sa Lalawigan ng Isabela na sinundan ng Cagayan.

Umaasa ngayon ang DepEd Region 2 na magagawang higitan ng mga atleta ang mahahakot na medalya ngayong taon.