Nagsagawa ng force evacuation ang pamahalaang panlungsod ng Ilagan sa ilang mga residente dahil sa biglaang pag-apaw ng tubig sa mga ilog bunsod ng mga pag-ulang dala ng shear line.
Ang mahigit kumulang 200 pamilya na lumikas ay mula sa Barangay Bintacan, Cabisera 14-16, Cabisera 22, at ilan pang mga mababang lugar sa San Antonio Region.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jun Montereal, Public Information Officer ng City of Ilagan, sinabi niya na bandang alas-9 kaninang umaga ay biglang umapaw ang lahat ng ilog sa Ilagan City pangunahin na ang Abuan River kung saan naapawan nito ang tulay sa unang pagkakaton.
Aniya, halos lahat ng circumferential road, at tulay sa Lungsod ng Ilagan ay sarado na kaya isolated ang ilang mga barangay sa ngayon.
Ayon kay Montereal, nakakabahala ang biglaang pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog lalo’t ngayon lamang ito nangyari dahil kadalasan ay inaabot pa ng isang araw na tuloy-tuloy na pag-ulan bago tuluyang umapaw ang tubig sa mga ilog.
Dahil dito ay binuksan na ang lahat ng mga evacuation areas sa Lungsod at tiniyak ng local government unit na mabibigyan ng mga ready-to-eat foods ang mga evacuees.





