--Ads--

CAUAYAN CITY – Aasahang nasa higit dalawandaang PNP personnel ang nakatakdang maideploy para sa opening ng Cagayan Valley Regional Athletics Association o CAVRAA meet 2024 sa ikadalawampu’t anim ng Abril.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Louie Jay Felipe, Deputy Chief of Police ng City of Ilagan Police Station sinabi niya na magiging abala na ang buong hanay ng  City of Ilagan Police Station para sa pagtiyak sa seguridad ng lahat ng mga delegado at atletang dumating na sa Lungsod ng Ilagan para sa nalalapit na CAVRAA meet 2024.

Aniya, nag request na rin sila ng karagdagang 100 PNP personnel bilang augmentation mula sa iba pang himpilan ng Pulisya na makakatuwang sa pagbabantay sa iba’t ibang sports venue at billeting areas.

Gaya ng mga nakalipas na taon ay magkakaroon ng re-routing dahil sa gagawing parada kasama ang Barangay Peace Keeping Action Team o BPATs mula sa iba’t ibang Barangay sa Lunsod.

--Ads--

Dahil sa mainit na panahon ay magkakaroon din ng adjustment sa duty ng mga PNP personnel sa mga sporting events.

Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng mga atleta lalo na at nararanasan ngayon ang matinding heat wave o mataas na heat index.

Paalala naman ng pulisya sa mga nais na makiisa sa opening ng CAVRAA 2024 na mahigpit nilang ipagbabawal ang pagdadala ng anumang deadly weapon, at nakalalasing na inumin.

Para naman makaiwas sa heat stroke o anumang karamdaman ngayong mainit ang panahon ay pinapayuhan ang lahat na magdala ng tubig at payong.