
CAUAYAN CITY – Bibili ng 2,000 rapid test kits ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela para mapabilis ang COVID-19 test sa mga umuuwi sa Isabela mula sa ibang lugar lalo na sa Metro Manila.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Governor Rodito Albano, sinabi niya na magpapahanap siya ng mga mura at mapagkakatiwalaan na rapid test kits para sa mga dumarating sa lalawigan.
Ang 1,000 ay para sa mga susunduin habang ang 1,000 ay ilalagay sa mga borders ng Isabela.
Isasailalim sila sa rapid test sa lugar kung nasaan sila bago sila pauwiin sa lalawigan para matiyak ang proteksyon ng lahat.
Samantala, sinabi ni Gov. Albano na pupulungin niya ang mga mayor sa mga susunod na araw para pag-usapan ang pagsailalim sa Isabela sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Sa ngayon ay hinihintay pa nila ang guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) .










