CAUAYAN CITY – Nakatanggap ng apat na libo at dalawandaang pisong cash bawat isa ang mahigit dalawang libong benepisaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Danstan Bautista Jr. ang Administrative Aide VI ng DOLE Isabela, sinabi niya na sinimulan nila kahapon ang pamamahagi ng benepisyo ng 2,594 TUPAD beneficiaries na nagkakahalaga ng apat na libo at dalawang daang piso.
Aniya, hanggang ngayog araw ang kanilang pamamahagi dahil mayroon pang mahigit isang libong benepisyaryo na hindi pa nakakuha ng kanilang benepisyo sa sampung araw na kanilang community service o paglilinis sa kani-kanilang komunidad.
Ayon kay Ginoong Bautista na 420 pesos ang bayad sa isang araw na pagtatrabaho ng mga benepisyaryo kung saan hindi naman masyadong mabigat ang kanilang trabaho dahil nagwawalis lamang sila sa kanilang nasasakupan at nagtatanim ng mga puno.
Layunin ng programang ito na tuluy-tuloy na matulungan ang mga nawalan ng trabaho pangunahin na ang mga mamamayang mahirap ang pamumuhay.
May mga monitoring din na isinasagawa ang DOLE upang masiguro na nagagawa ng mga benepisyaryo ng maayos ang kanilang mga pansamantalanag trabaho.
Ipinayo ni Ginoong Bautista sa lahat ng benepisyaryo na sana ay magamit sa tamang pamamaraan ang mga natanggap nilang benepisyo.