CAUAYAN CITY – Namahagi ng mga solar powered na lampara at street lights si 2016 Miss Earth Katherine Espin ng Ecuador sa kanyang muling pagdalaw sa Isabela.
Ito ay bahagi ng programa ng Miss Earth na pangangalaga sa kalikasan.
Nagtungo ngayong araw si Espin sa coastal town ng Palanan kasama si Vice Governor Antonio “Tonypet” Albano para magkaloob sila ng mga solar powered street lights.
Nagtungo rin sila sa Agta Community sa Cabiseria 10, Ilagan City at sa Ilagan Sanctuary upang magbigay ng mga solar powered na lampara.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Miss Earth 2016 Espin, sinabi niya na sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga solar powered na ilaw ay magkakagawa ito ng malaking kaibahan sa ating mundo at maibsan ang epekto ng climate change.
Unang nagtungo sa Isabela si Katherine Espin sa kanilang pre-pageant activities para sa Miss Earth noong 2016.




