CAUAYAN CITY– Dadaluhan ng mga matataas na opisyal ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), mga national artist at mga opisyal ng Philippine Postal Corporation (Philpost) ang kick-off ngayong araw sa Isabela ng National Heritage Month Celebration.
Sa nasabing aktibidad ay ilulunsad ng Philpost ang 2019 commemorative stamp.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Isabela Provincial Tourism Officer Troy Alexander Miano na napili ng NCCA ang Saint Matthias Church sa Tumauini, Isabela na pagdausan ng kick off ng National Heritage Month Celebration.
Layunin ng aktibidad na itaas ang antas ng kamalayan, paggalang at pagmamahal ng mga Pilipino sa mga cultural history.
Inihayag pa ni Dr. Miano na mapalad ang Isabela dahil ang makasaysayang simbahan sa Tumauini, Isabela ay nasa tentative list ng UNESCO World Heritage.