CAUAYAN CITY – Umabot sa 202 aplikante ang hired on the spot sa isinagawang Job Fair sa limang job fair sites sa Region 2 bilang bahagi ng pagdiriwang ng Labor Day kahapon.
Isinagawa ang Job Fair sa City of Ilagan, Santiago City, Reina Mercedes, Isabela, Tuguegarao City at sa Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chester Trinidad, tagapagsalita ng DOLE Region 2 na karamihan sa trabaho ng 202 na na-hire on the spot ay mga sales receptionist, technician, cashier, service crew, store clerk, bagger, baker, assistant cook at mayroon ding pharmacist sa ospital.
Aniya, umabot sa 1,200 job seeker ang nagregister online ngunit maraming nagwalk-in kaya umabot ng halos 5,000 ang nakilahok.
Sinabi niya na may 160 job seekers ang nairefer nila sa TESDA upang sumailalim sa pagsasanay o skills training para mabigyan ng livelihood assistance upang makapagsimula ng negosyo.
Umabot din sa 199 job seekers ang nairefer sa NBI, SSS, PRC, Philhealth at PSA.
Umabot sa 145 ang participating employers ang nag-alok at mahigit 5,000 job vacancies.
Ang mga job positions na hindi napunan ay ilalathala nila sa kanilang PESO employment information system upang makita ng mga naghahanap ng trabaho.
Sinabi pa ni Trinidad na mas mababa ang unemployment rate sa ikalawang rehiyon kumpara sa ibang rehiyon sa bansa.
Ang hamon ngayon sa Region 2 ay ang under-employment na nagkukulang ng oras o araw sa kanilang pagtatrabaho kaya naghahanap ng karagdagang trabaho.