Nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang General Appropriations Act para sa fiscal year 2026 ngayong Lunes, Enero asingko, matapos ang masusing pag-aaral sa panukalang pambansang budget.
Ang 2026 national budget na nagkakahalaga ng ₱6.793 trillion ay lalagdaan sa pamamagitan ng isang ceremonial signing sa Malacañang.
Niratipikahan ng Kongreso ang GAA 2026 noong December 29, 2025 at agad itong isinailalim sa masusing pagsusuri ng Pangulo upang matiyak na ang pondo ay mapupunta sa tamang mga proyekto at direktang mapakikinabangan ng mamamayan, partikular sa sektor ng edukasyon, kalusugan, at iba pang pangunahing serbisyo.
Dahil hindi ito napirmahan bago matapos ang December 2025, ipinatupad muna ang reenacted budget sa mga unang araw ng 2026 habang hinihintay ang paglagda ng Pangulo.











