--Ads--

CAUAYAN CITY – Inaresto at kinasuhan ng Sta. Maria Police Station ang isang tricycle driver na pinagkakakitaan ang pagbili at pagkatay ng mga aso na kanyang dinadala sa lalawigan ng Kalinga.

Naaresto ang suspek na si Jay-ar Cancer, 24 anyos, may-asawa, tsuper ng tricycle at residente ng San Antonio, Sta Maria, Isabela sa checkpoint sa Naganakan, Sta. Maria, isabela habang minamaneho ang isang kolong-kolong na may takip na tarapal at sa loob nito ay ang 22 kinatay na aso.

Dinala si Cancer sa Sta Maria Police Station matapos walang maipakitang dokumento mula sa Bureau of Animal Industry.

Inamin ni Cancer na binibili niya sa mga barangay ang mga aso ng halagang 600 pesos hanggang 700 pesos depende sa laki.

--Ads--

Matapos na katayin ang mga aso ay dinadala niya sa kanyang mga parokyano sa Kalinga na mahilig magluto at kumain ng karne ng aso.

Si Cancer ay sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8485 o Aminal Weldare Act of 1998 ngunit nakapaglagak ng piyansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sinabi ni P/Chief Inspector Richard Babaran, hepe ng Sta Maria Police Station na matagal na nilang minomonitor ang suspek hanggang makatanggap sila ng impormasyon sa isang concerned citizen na magdadala si Cancer ng mga pinatay na aso sa Kalinga.