--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng validation ang technical staff ng Department of Agriculture (DA) region 2 matapos  makita ang post sa social media ng mga itinapong mga kamatis sa Almaguer North, Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Information Officer Hector Tabbun ng DA region 2 na umabot sa 23 crates ng kamatis na may timbang na 20 kilo bawat crate kaya aabot sa 500 kilograms.

Kung aabot sa 8 pesos hanggang 10 pesos bawat kilo ng kamatis ay mahigit 5,000 pesos ang halaga ng mga  kamatis na itinambak sa lugar.

Dahil panahon ng anihan ay dumagsa ang supply ng kamatis sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal  (NVAT) sa bayan ng Bambang.

--Ads--

Sabay-sabay aniya ang pag-ani ng mga magsasaka sa ikalawalang  rehiyon maging sa regon 3 at Cordillera Administrative Region (CAR) kaya sobra-sobra ang supply ng kamatis.

Ayon kay Ginoong Tabbun, ang NVAT  ay  sentro ng kalakalan ng mga gulay sa lalawigan at mga kalapit na rehiyon.

Noong January 27, 2023 ay dumagsa ang mga kamatis sa NVAT at ang nais na bilhin ng mga nag-aangkat ay malalaking kamatis.

Ang mga itinapon na kamatis ay maliliit at labis nang hinog at ayaw nang bilhin ng mga mamimili kaya sa halip na iuwi ng nagbenta ay itinapon na lang sa nasabing lugar.

Gabi itinapon ang mga kamatis kaya hindi nakita ang mga may kagagawan nito.

Ang 3rd year college student sa isang pamantasan sa Bambang na nagpost  sa social media ay concerned lamang sa pagtapon sa maraming kamatis.

Sinabi ni Ginoong Tabbun na may action na ang DA region 2 kabilang ang pag-angkat ng 2,000 kilos ng kamatis na ibebenta sa mga Kadiwa Stores para matulungan ang mga magsasaka na labis-labis ang aning kamatis.

Binanggit ni Ginoong Tabbun na halos makukumpleto na ang multi-commodity processing center na may halagang 40 million pesos sa loob mismo ng NVAT maproseso ang mga sobra-sobrang supply ng gulay.

Ang isa pa nilang ginagawa ay ang pakikipag-ugnayan sa iba pang rehiyon para sa planting calendar upang hindi sabay-sabay na magtanim ng gulay ang mga magsasaka para hindi magkaroon ng oversupply na dahilan kaya mura ang halaga ng gulay at madalas na nasisira.