
CAUAYAN CITY – Hinihinalang sinapian ng masamang espirito ang dalawampu’t tatlong estudyante ng Reina Mercedes National Highschool.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jeffrey Ancheta ang Guro ng mga nasanibang estudyante sinabi niya na nabigla sila sa pangyayari at ayon na sa iba pang mga estudyante na nakakita sa pangyayari na posibleng sinasapian na ang mga estudyante.
Aniya magsisimula na sana ang 1st period ng kanilang klase pasado ala-una ng hapon ng mahimatay ang isang estudyante na agad dinala sa principal’s office dahil doon malamig nang bigla umano itong magwala.
Agad niyang pinuntahan ang estudyante at nakita niya ang pagwawala nito na inilarawan niyang napakalakas nito dahil anim na tao ang pumipigil sa kanyang pagwawala.
Hanggang sa parami na ng parami ang mga estudyanteng mula sa magkakaibang grade level ang dinadala sa Principal’s office dahil sa pagwawala habang ang ilan ay umiiyak.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari sa eskwelahan dahil nitong nakaraang linggo ay dalawang estudyante rin ang sinaniban at ang isa ay hindi muna pinapasok ang magulang habang ang isa ay bumalik na sa eskwelahan.
Ayon pa kay Ginoong ancheta na hinihinalang sa isa sa mga estudyanteng sinaniban noong nakaraang linggo nagsimula ang pagwawala ng kanilang mga estudyante na karamihan ay babae.
Ayon sa ibang estudyante na tinapik umano ng isa sa mga unang sinapiang estudyante ang isa pang mag-aaral na naging dahilan para mahimatay ito at magwala.
Una na rin aniyang nagtungo sa paaralan ang mga magulang ng isa sa dalawang estudyanteng sinapian dahil may binabanggit itong pangalan na Rap-rap na siyang sumapi sa kaniya.
Batay umano sa pahayag ng Rap-rap nagalit sila sa mga estudyante dahil sila ay nabulabog.
Sa katunayan aniya ay nagdala ng “atang” o alay ang mga magulang ng estudyante sa paaralan kung saan ito hinihinalang sinapian.
Kumpirmado mang sanib o hindi ang pangyayari at nais ng pamunuan ng paaralan na maprotektahan ang kanilang mga estudyante kaya nagtawag sila ng pari o spiritual adviser matapos ang insidente.










