CAUAYAN CITY – Pinabulaanan ng pamahalaang lunsod ng Cauayan City ang kumakalat na ulat na isasailalim sa lockdown ang lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mayor Bernard Dy, sinabi niya na walang katotothanan ang ulat at kung magdedeklara man siya ng lockdown ay kung magkaroon na ng positibong kaso ng COVID-19 sa lunsod.
Idinagdag din niya na umiiral na ang 24 oras na curfew hour sa lunsod bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.
Gayunman ay pinahihintulutan pa ring makalabas ang isang miyembro ng pamilya upang bumili ng kanilang pangunahing pangangailangan.
Aniya, kailangan lamang magprisinta ng resibo ng mga lalabas na residente bilang patunay na sila ay nagtungo sa labas upang bumili ng kanilang pangangailangan upang hindi mahuli at dalhin sa quarantine area at isailalim sa isang oras na quarantine.
Muli naman siyang nagpaalala sa mga residente sa lunsod na kung wala namang importanteng lakad ay manatili lamang sa kani-kanilang mga bahay upang matiyak ang kanilang kaligtasan.











