Nakarekober ang mga rescue team,ang 24 na bangkay mula sa isang pampasaherong bus na nahulog sa ilog Padma sa Goalanda, Bangladesh noong Miyerkules. Ayon sa mga opisyal, kabilang sa mga nasawi ang limang bata.
Ang bus, na may sakay na humigit-kumulang 50 pasahero, ay lumubog sa malalim na bahagi ng ilog habang tinatangkang sumakay sa isang ferry.
Marami ang nakaligtas matapos makalabas bago tuluyang lumubog ang sasakyan.
Ang insidente ay naganap sa Goalanda, humigit-kumulang 65 kilometro kanluran ng Dhaka, kabisera ng Bangladesh.
Ang mga bangkay ay nakuha ng fire service officers, mga lokal na residente, at navy divers.
Patuloy ang imbestigasyon kung paano nawalan ng kontrol ang bus sa rampa ng ferry.
Karaniwan ang mga nakamamatay na aksidente sa Bangladesh dahil sa mahihinang kalsada, luma at sira-sirang sasakyan, at pabayaang pagmamaneho.
Ayon sa Road Safety Foundation, mahigit 200 katao ang namatay sa aksidente sa kalsada sa panahon ng katatapos lang na Eid holidays.
Batay sa datos ng WHO, bagama’t nasa 5,000 lamang ang opisyal na naiuulat na namamatay sa aksidente sa kalsada kada taon, tinatayang higit sa 31,500 ang aktwal na bilang noong 2023 — katumbas ng mahigit 85 katao kada araw sa bansang may 170 milyong populasyon.
Sa parehong araw, hindi bababa sa 13 katao ang namatay sa Andhra Pradesh matapos masunog ang isang bus na bumangga. Tinawag ni Prime Minister Narendra Modi na “tragic” ang insidente.











