Matapos ang sunud-sunod na pagkakadiskubre ng mga floating shabu sa mga karagatan ng Zambales, Pangasinan, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Cagayan, ngayon naman ay may natagpuan din Batanes.
Isang mangingisda ang nakakita ng isang sako ng hinihinalang shabu sa dalampasigan ng Barangay Chanaryan, Basco, Batanes.
Laman ng sako ang 24 vacuum heat sealed packs at isa pang nabuksan na may markang DAGUANYING, lahat naglalaman ng white crystalline substance na pinaghihinalaang droga.
May total na timbang ang natuklasang droga ng tinatayang 24.5 kilos na may estimated street value na ₱166.6 milyon.
Kasama ang kapitan ng barangay, boluntaryong isinuko ng mangingisda ang kontrabando sa Basco Police Station anim na araw matapos itong matagpuan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Charlene Magdurulang ng PDEA Region 2, sinabi niya na may posibilidad na may iba pang kontrabando sa iba pang bahagi ng ating karagatan kaya masusi ang pagbabantay sa mga baybaying-dagat at maritime patrols.
Aniya ang natagpuang lumulutang na shabu ay kapareho ang packaging at iisa lang ang pinanggalingan o source sa mga naunang narecover.
Partikular umanong nanggaling ang mga ito sa golden triangle area na kinabibilangan ng mga bansang Myanmar, Thailand, at Laos.
Batay sa kanilang talaan nasa P24.3 milyon na ang halaga ng cocaine na nadiskubre sa rehiyon habang sa shabu ay P588.6 milyon.
Ang ilan sa mga ito ay kasama na sa sinira o sinunog ng pamahalaan sa bahagi ng Tarlac na sinaksihan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ngayon ay may naiwan pa sa kanilang pangangalaga habang ang natagpuang droga sa Batanes ay idederetso na sa PDEA National Headquarters.
Hinihintay naman nila ngayon kung kailan ang susunod na schedule ng pagsira sa mga nadiskubreng droga.
Hinimok naman niya ang publiko na agad ipabatid sa mga otoridad ang anumang matutuklasang iligal na droga.











