--Ads--

CAUAYAN CITY – Nagtapos na ang 243 bagong Philippine Army sa ilalim ng MAKISIG ALAB Class 692 at SANIB LAHI Class 693 sa Candidate Soldier Course sa Division Training School, Camp Melchor Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Capt. Rigor Pamittan, DPAO Chief ng 5th Infantry Division, Phil. Army, sinabi niya na sa ilalim ng Mandirigmang Kawal na may Iisang Sinumpaang Ginagampanan Alay sa Bayan o MAKISIG ALAB Class 692 ay nasa 126 ang nagtapos.

Nanguna o number 1 sa klase si Private Michael Agonoy, taga-Casala, San Mariano, Isabela at dating anchorman ng Bombo Radyo Cauayan.

Pangalawa si Private Alvin Bayawon ng Kiangan, Ifugao habang pangatlo si Private Simon Maslang.

--Ads--

Nakuha naman ni Private Rufino Dinulong Jr. mula sa Tanudan, Kalinga ang Physical Fitness Proficiency Award o Tarzan.

Samantala, umabot sa 120 ang nagtapos sa Suong Ang Panganib Laging Handang makidigma o SANIB LAHI CLASS 693.

Nanguna sa klase si Private Leopoldo Villena mula sa Sto. Niño, Cagayan at pangalawa si Private Jonathan Banggot mula sa Paracelis, Mt. Province habang pangatlo naman si Private Christian Leones mula sa Tabuk City, Kalinga.

Nakuha naman ni Private Ryan Arias mula sa Pinukpuk, Kalinga ang Physical Fitness Proficiency Award o Tarzan.

Ayon kay Capt. Pamittan anim na buwang mahigpit na nagsanay ang mga bagong sundalo at nagsimula ito noong Nobyembre, 2021.

Aniya, pinakamarami sa mga nagtapos ay nagmula sa Cordillera na umabot sa 131, 104 ang mula sa Region 2, dalawa sa Region 1, isa sa Region 3, dalawa sa NCR, dalawa sa Visayas at isa sa Mindanao.

Matapos ang graduation ay maghihintay na ang mga ito sa approval ng kanilang graduation leave na 15 araw at babalik sa 5th ID para sa kanilang pagka-assign sa kani-kanilang units o offices bilang sundalo.

Ayon kay Capt. Pamittan katatapos lamang ng recruitment ng 5th ID at nasa 520 na aplikante ang natanggap at hinihintay na lamang ang pagsisimula ng kanilang training.