--Ads--

Umakyat na sa 25 ang bilang ng mga nasawi sa bansa bunsod ng mga pag-ulan at pagbaha dulot ng mga bagyong Crising, Dante, Emong, at ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes ng umaga.

Sa pinakahuling tala ng NDRRMC alas-6:00 ng umaga, siyam (9) sa mga nasawi ay mula sa Metro Manila. Tig-tatlong pagkasawi naman ang naitala sa mga rehiyon ng CALABARZON, Western Visayas, Negros Island Region, at Northern Mindanao. May tig-iisang kaso ng pagkasawi sa Central Luzon, MIMAROPA, Davao Region, at Caraga.

Ang mga nasawi ay kinabibilangan ng isang residente ng Barangay Bayugo, Meycauayan, Bulacan ang namatay matapos makuryente.

Isang biktima sa Barangay Poblacion, Mambajao, Camiguin ang nasawi matapos tamaan ng bumagsak na puno at isang motorcycle rider mula Barangay Matin-ao, Mainit, Surigao del Norte ang nadaganan ng punong nabuwal.

--Ads--

Ayon sa datos ng NDRRMC, nasa 3,849,624 katao o 1,065,779 pamilya ang apektado ibat-ibang rehiyon maliban sa Eastern Visayas. Karamihan sa kanila ay mula sa Central Luzon (2,296,607), Bicol Region (316,804), at CALABARZON (205,825).

Mahigit 167,000 katao naman ang nananatili sa mga evacuation center, habang 111,454 ang nakikituloy sa ibang tahanan.

Tinatayang umabot na sa ₱3.98 bilyon ang pinsala sa imprastruktura, ₱366.9 milyon sa agrikultura, at ₱281.6 milyon sa mga irigasyon. Nasa 2,909 bahay ang napinsala—2,423 dito ay bahagyang nasira, habang 486 ay ganap na nawasak.

Habang balik-operasyon na ang dalawang paliparan na apektado ng sama ng panahon, may natitirang 105 pasahero, apat na rolling cargoes, at 20 barko ang stranded. Sa 62 apektadong pantalan, 35 pa lamang ang balik-operasyon.

Samantala, 227 sa 367 na apektadong kalsada at 7 sa 24 tulay ang muli nang nadaraanan.

Naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa 117 sa 132 lugar, at ang serbisyo ng tubig sa 3 sa 4. Samantala, ang linya ng komunikasyon ay naibalik pa lamang sa 28 sa 289 apektadong lugar.

Dahil sa patuloy na banta ng masamang panahon, sinuspinde ang klase sa 1,043 lugar, habang 848 lugar naman ang pansamantalang tumigil ang trabaho, kabilang na ang ilang tanggapan ng gobyerno at pribadong kumpanya.

Samantala, isinailalim na sa state of calamity ang 84 lungsod at bayan sa iba’t ibang panig ng bansa. Kabilang dito ang buong lalawigan ng Cavite, Bataan, at Pampanga.

Ilan pang mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

Pangasinan: Umingan, Mangaldan, Lingayen, Malasiqui, Calasiao, Dagupan

Bulacan: Calumpit, Balagtas, Paombong, Meycauayan, Marilao, Barangay Matungao

Tarlac: Paniqui, Camiling, Moncada

Metro Manila: Quezon City, Marikina, Navotas, Manila, Valenzuela

Rizal: Cainta, Rodriguez, San Mateo

Batangas: Agoncillo

Palawan: Roxas

Antique: Sebaste, Barbaza, Culasi

Ayon sa NDRRMC, umabot na sa ₱232,396,665 na halaga ng tulong ang naipamahagi sa mga apektadong komunidad. Kabilang dito ang food packs, hygiene kits, gamot, at iba pang pangangailangang pang-emergency.