--Ads--

Matagumpay na naaresto ng Philippine National Police (PNP) Isabela ang isang indibidwal na 26 na taon nang pinaghahanap ng batas kaugnay ng kasong Murder sa isang operasyon dakong alas-5:30 ng hapon noong Enero 25, 2026, sa Barangay Calaocan, bayan ng Angadanan, Isabela.

Kinilala ang naaresto na si alyas Lucas,” 63 taong gulang, may asawa, magsasaka, at residente ng Purok 4, Barangay Calaocan, Angadanan, Isabela. Siya ay inaresto sa bisa ng Alias Warrant of Arrest na inisyu noong Oktubre 10, 1999 ng Regional Trial Court, Second Judicial Region, Branch 16, Lungsod ng Ilagan, Isabela, para sa kasong Murder na walang inirekomendang piyansa.

Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Benito Soliven Police Station bilang lead unit, katuwang ang Angadanan Police Station, Police Intelligence Unit–Isabela Police Provincial Office (PIU-IPPO), at Police Intelligence and Detection Management Unit–IPPO (PIDMU-IPPO). Ayon sa pulisya, naging susi sa matagumpay na pag-aresto ang maingat na koordinasyon at masusing intelligence work ng mga yunit na kasangkot.

Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang konstitusyonal alinsunod sa Miranda Doctrine. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Benito Soliven Police Station para sa dokumentasyon at pansamantalang pag-iingat bago ang pormal na pag-turn over sa korte na naglabas ng warrant.

--Ads--

Ayon kay PCol. Manuel B. Bringas, Acting Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, ang pagkakaaresto sa akusado ay patunay ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng kapulisan na maipatupad ang batas at maibigay ang hustisya sa mga biktima. Aniya, ipinapakita nito na ang PNP ay nananatiling determinado sa pagtugis sa mga kriminal, gaano man katagal ang lumipas.

Dagdag pa ng PNP Isabela, ang naturang operasyon ay kaakibat ng pangunahing adyenda ng pamunuan ng Philippine National Police na nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, agresibong kampanya laban sa kriminalidad, at walang patid na pagtugis sa mga wanted persons upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at pananaig ng batas.