--Ads--

Naghatid ng mensahe si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Commencement Exercises of the Philippine Military Academy ‘Siklab-Laya’ Class 2025 na ginanap sa Fort General Gregorio H. del Pilar sa Lungsod ng Baguio ngayong Mayo 17, 2025.

Ang ‘Siklab-Laya’ ay nangangahulugang Sundalong Isinilang na Kasangga at Lakas ng Ating Bayan para sa Kalayaan, ay binubuo ng 266 kadete, 212 kalalakihan at 54 kababaihan. Sa kabuuan, 137 sa kanila ang sasapi sa Philippine Army (PA), 71 sa Philippine Navy (PN), at 58 sa Philippine Air Force (PAF).

Dumaan ang mga kadeteng ito sa mahigpit at matinding apat na taong pagsasanay sa larangan ng academics maging pisikal na pagsasanay na nagsimula noong 2021 sa gitna ng pandaigdigang hamon dulot ng pandemya.

Nanguna sa klase si Cadet First Class Jessie Ticar Jr., 23 taong gulang mula sa Quezon City. Siya ang bunsong anak ng isang tindera ng bolpen at ng isang person with disability (PWD).

--Ads--

Bago pumasok sa PMA, siya ay nag-aral ng Bachelor of Science in Civil Engineering sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) – Manila. Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay at kawalan ng military background, pursigido siyang makamit ang tagumpay.

Ngayong araw, nagtala si Cadet First Class Ticar Jr. ng kasaysayan sa PMA sa pamamagitan ng pagkamit ng pinakamataas na grado sa buong kasaysayan ng Akademya. Siya ang ikaapat na kadeteng nagtapos bilang summa cum laude at may pinakamataas na karaniwang marka sa lahat ng nagtapos. Siya ay nakatakdang magsilbi sa Philippine Army.