--Ads--

CAUAYAN CITY – Naitala sa isang commercial poultry farm Alicia, Isabela ang panibagong kaso ng avian influenza o bird flu virus.

Unang naitala ang kaso ng bird flu sa Isabela sa  Marabulig 2, Cauayan City ngunit agad na na-contain matapos na isailalim sa culling ang mga apektadong manok at pato.

Sa muling pagkakatala ng ikalawang kaso ng bird flu sa Isabela ay nagpulong ang Avian Influenza Task Force na kinabibilangan ng lahat ng mga provincial veterinary officer sa limang  lalawigan sa region 2 at Bureau of Animal Industry (BAI) at National Meat Inspection Service (NMIS).

Pinag-usapan ang pagtutulungan para makontrol at ma-contain ang infected na lugar ng bird flu virus.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director  Narciso Edillo ng DA region 2 na sa Marabulig 2, Cauayan City ay umabot ang mga isinailalim sa culling ang 411 layers,  25 broiler, 28 na panabong na manok at isang kalapati.

Ayon kay Ginoong Edillo, nasa national guidelines na ang bayad-pinsala ng nangingitlog nang manok ay 100 pesos bawat isa, sa sisiw na mahigit dalawang linggo na ay  60 pesos bawat isa, sa panabong na manok ay 150 pesos at sa pugo ay labinlimang piso.

Ang pondo ay paglalaanan sa pamamagitan ng Quick Response Fund ng DA.

Ayon kay Regional Executive Director Edillo, sa Bantug Petines, Alicia, Isabela ay masakit ang loob  ng may-ari ng  commercial poultry farm dahil ang mga apektadong manok ay  2,700 layers ngunit wala silang magagawa dahil ang culling ang tanging paraan para ma-contain ang virus.

Umaabot sa 270,000 ang bayad-pinsala sa mga na-cull na manok sa Alicia, Isabela at nangako ang pamahalaang panalawigan na magbibigay din ng kaukulang tulong para makabawi

May nailusot na 12,000 na itlog at naibiyahe sa Tacloban City ngunit nakipag-ugnayan sila sa region 8 at pinigil ang mga itlog sa airport pagkatapos ay ibinaon sa lupa.

Ayon kay Ginoong Edillo, mayroon silang truck mounted spray na ginagamit nila sa pagdis-infect sa mga lugar na suspected area sa loob ng  1 kilometer radius para hindi na kumalat ang virus.

Samantala, patuloy ang monitoring ng Municipal Veterinary Office matapos na maitala ang kaso ng bird flu virus sa barangay Bantug Petines.

Umabot sa 2,700 na nangingitlog na manok sa isang commercial poultry farm ang isinailalim sa culling habang daang libong piso na halaga ng itlog ang apektado.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Mayor Joel Amos Alejandro ng Alicia na batay sa report sa kanya ni Municipal Veterinary Officer Vladimir Calosa na wala nang ibang naapektuhan ng bird flu virus.

Para mapigilan ang pagkalat ng virus ay wala munang movement ng mga poultry products mula sa barangay Bantug Petines.

Ayon kay Mayor Alejandro, isasangguni niya sa Sangguniang bayan para sa anumang tulong na maaaring ibigay sa may-ari ng poultry farm na naapektuhan ng bird flu virus lalo na’t may pagbabawal pa ng pagpapalabas ng pondo para sa tulong o ayuda dahil sa election period.

Hiniling ni Mayor Alejandro sa mga nag-aalaga ng manok, patok at itik na agad ireport sa Municipal Veterinary Office kung may napansing kakaiba sa kanilang mga alaga.