--Ads--

Siyam na pamilya na binubuo ng 28 katao mula sa Bagabag, Nueva Vizcaya ang inilikas dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ervin Lucena, ang LDRRM Assistant ng PDRRM Nueva Vizcaya, sinabi niya na may binuo na silang team para sa monitoring ng mga provincial roads, alternate roads, at mga ilog sa lalawigan.

Sa kasalukuyan, passable ang mga kalsada papasok at palabas ng Nueva Vizcaya. Gayunman, one-lane passable lamang ang ilang kalsada sa Bambang dahil sa mga insidente ng landslide.

Ilan sa mga lugar na mahigpit na tinututukan ay ang mga munisipyo ng Ambaguio, Kayapa, at Kasibu dahil sa posibilidad ng landslide, habang binabantayan naman ang mga mababang lugar sa Bambang, Dupax del Sur, at Solano dahil sa posibleng pagbaha.

--Ads--

Sa ngayon, wala pang pre-emptive evacuation. Gayunman, nakapagbigay na sila ng paalala sa mga barangay officials na simulan ang paglikas kung kinakailangan.

Tinitiyak ng PDRRM Nueva Vizcaya na handa ang mga evacuation centers, kung saan may nakahandang prepositioned goods mula sa DSWD.