CAUAYAN CITY – Hinihinalang nahulog sa irrigation canal ang tatlong taong gulang na batang babae na nalunod sa irigasyon sa barangay Nueva Era, Cabatuan, Isabela.
Ang namatay ay si Mica Eumague, 3 anyos at residente ng Nueva Era, Cabatuan, Isabela.
Sa nakuhang impormasiyon ng Bombo Radyo Cauayan natagpuan si Mica sa irrigation canal na 50 metro ang layo mula sa kanilang tahanan.
Bago natagpuang patay ang bata ay nakita pa siyang naglalaro kasama ang iba pang bata sa labas ng kanilang bahay.
Ayon sa lola ng biktima, pinakain pa niya ang apo bago lumabas ng bahay para makipaglaro.
Pinaniniwalaan na naglaro ang mga bata malapit sa irrigation canal at hinihinalang nahulog ang biktima.
Matapos naman na matagpuan ang katawan ng bata sa irrigation canal ay agad dinala sa Cabatuan Family Clinic Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, nagpaalala ang pamahalaang lokal sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga batang anak upang maiwasan na maulit ang pagkakalunod ng bata sa irrigation canal.