CAUAYAN CITY – Patay ang tatlong babaeng sakay ng motorsiklo matapos silang salpukin ng isang pick up sa national highway sa Payac, Jones, Isabela dakong alas singko kahapon, November 23, 2019.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, ang mga biktima na idineklarang dead on arrival ng attending physician sa Prospero G. Bello Integrated Community Hospital (PGBICH) ay sina Angel Bulosan na siyang nagmaneho ng Yamaha Mio, residente ng San Isidro, Santiago City; Evangelyn Salvador, residente ng Villasis, Santiago City at Ann Claire Marie Camarao, residente ng Batal, Santiago City.
Hustisya, sigaw ng pamilya ng 3 magkakaibigang estudiyante na patay sa aksidente sa Jones, Isabela
Ang nakabangga sa kanila ay isang Izusu Dmax pick up na minaneho ni Sonny Boy Matias, 29 anyos, miyembro ng Philippine Army at residente ng Magassi, Cabagan, Isabela.

Lumabas sa imbestigasyon ng Jones Police Station na ang mga biktima ay papuntang Jones proper habang papuntang opposite direction ang pick up nang umagaw ng linya at nasalpok ang motorsiklo.
Sa lakas ng banggaan ay halos pumailalim ang motorsiklo sa pick up.
Tumilapon ang tatlong babaeng sakay ng motorsiklo at nagtamo sila ng malalang sugat sa katawan na dahilan ng kanilang kamatayan.

Nasa kustodiya ng pulisya si Matias at mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and Damage to property.












