--Ads--

Nagpapatuloy ang opensiba ng militar laban sa makakaliwang grupo sa mga naganap na armed encounter sa Kabugao, Apayao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Melvin Asuncion, Officer in charge ng Division Public Affairs Office – 5th ID, sinabi niya na mula noong Sabado hanggang kahapon araw ng Lunes ay tatlong beses na nakasagupa ng mga kasapi ng 98th Infantry Battalion ang 20 miyembro ng Platoon Dos Ilocos Cordillera Regional Committee o ICRC na pinangungunahan ni alyas Abraham.

Aniya, ang sagupaan sa Sitio Dagui, Barangay Maragat ay nagresulta sa recovery ng mga gamit pandigma ng ICRC katulad ng dalawang M16 rifle, isang garand rifle, isang M203 rifle, isang caliber 9mm pistol, dalawamput dalawang Improvised Explosive Device, walong cell phone, isang rifle grenade, limang magazine at bala, limang sim card, sampung USB, apat na SD card maging ang mga personal na kagamitan na may bakas ng mga dugo.

Kahapon araw ng Lunes ay naganap ang ikatlong engkwentro sa kaparehong Barangay hindi kalayuan sa Sitio Dagui.

--Ads--

Sa kabutihang palad ay walang nasugatan o nasawi sa tropa ng Pamahalaan subalit hindi pa matukoy ang bilang ng nasugatan sa hanay ng mga rebelde batay sa mga blood stains na naiwan sa encounter sites.

Batay sa huling impormasyong ibinahagi ng 5th ID nasa anim na raang rebelde pa ng ICRC ang nananatiling aktibo.

Tatlong battalion ng 503rd Brigade ang na-utilized ng 5th ID kabilang ang 94th IB, 98th IB at 54th IB para sa ginagawang opensiba na layuning tuluyang mabuwag ang naturang grupo.

Tiniyak naman ng 5th ID na may mga karagdagan pa silang unit na naka-standby at maaaring i-deploy anumang oras kung kakailanganin pa ng augmentation para makorner ang mga tumatakas na rebelde.

Hindi naman inaalis ng militar ang posibilidad na may kinalaman sa halalan o election period ang pagiging aktibo ng makakaliwang grupo na sinasamantala ang panahon na ito para mangalap ng pondo.