Arestado ang tatlong binatilyo matapos silang maaktuhang gumagamit ng marijuana sa Brgy. Nagassican, Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt Alma Naira, Admin PCO ng Santiago City Police Station 4, sinabi niya na kasalukuyang nagpapatrolya ay namataan ang tatlong binatilyo na nag-uumpukan sa isang liblib na lugar sa bahagi ng Purok 4, Nagassican.
Nilapitan nila ang mga ito sa pag-aakalang naninigarilyo lamang sila ngunit nalaman na sila ay gumagamit ng marijuana dahil sa amoy ng usok.
Dito na nagsitakbuhan ang tatlong binatilyo at itinapon ang kanilang hinihithit na marijuana.
Nakorner naman ang tatlo at nalaman ng mga pulis na improvised na rolled paper na may lamang tuyong dahon ng marijuana ang kanilang hinihithit.
Narekober din sa lugar ang isa pang piraso ng rolled paper na may lamang dahon ng marijuana na may tinatayang timbang na 11.4 grams o may halagang P1,368, isang lighter, tatlong android phone at isang motorsiklo.
Matapos maaresto ay dinala sa himpilan ng pulisya ang mga suspek para sa mas malalim na imbestigasyon at kaukulang disposisyon at ipinasakamay naman sa City Social Welfare and Development ang isa dahil siya ay menor de edad pa lamang.