--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasa kritikal na kalagayan ang tatlong tao matapos na magbangaan ang dalawang motorsiklo sa barangay  Mambabanga, Luna, Isabela.

Ang driver ng Yamaha Mio ay  si Rowel Taguba, 37 anyos, magsasaka at residente ng  Del Corpuz,  Cabatuan, Isabela habang minamaneho ni Alvin Alejandro, 30 anyos at residente ng Mambabanga, Luna, Isabela  ang isang Yamaha Aerox.

Malubha rin ang lagay ng angkas ni Taguba na  si Robert Remeo, 40 anyos, magsasaka at residente rin ng Del Corpuz, Cabatuan, Isabela.

Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan sa Luna Police Station, galing  sa Cauayan City at papuntang Cabatuan, Isabela ang motorsiklong minamaneho ni Taguba ngunit nang makarating ito sa national highway na bahagi ng Mambabanga, Luna, Isabela ay  biglang sumulpot ang motorsiklong minamaneho ni  Alejandro na  dahilan  ng salpukan ng dalawang motorsiklo.

--Ads--

Ayon sa pulisya, hindi nag-menor si Alejandro kaya’t hindi na nakaiwas si Taguba.

Kahit nakasuot ng helmet ay nagtamo pa rin ng malalang sugat  sa ulo ang dalawang driver at ang angkas ni Taguba na si Remeo.

Ayon sa Luna Police Station, nasa  Intensive Care Unit (ICU) si Remeo habang nagtamo naman ng  fracture ang dalawang driver na kasalukuyang inoobserbahan ng mga doktor.

Posibleng maharap si Alejandro sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Serious Physical Injury.