CAUAYAN CITY – Dadaluhan ng umaabot sa 200 na delegado mula sa iba’t ibang bansa sa Asya at sa Pilipinas ang 1st International Conference on Governance and Partnership and Technology Exhibition on Climate Change Adaptation and Disaster Risk Reduction Management sa Cauayan City.
Ito ay gaganapin simula ngayon October 23 hanggang October 25, 2018 sa F.L. Dy Coliseum at sa Marco Paulo Hotel sa San Fermin, Cauayan City.
Ang lead convenor ay ang Isabela State University (ISU) System katuwang ang Taiwan at mga local partner tulad ng mga local government units (LGU’s) at mga ahensiya ng pamahalaan.
Inaasahang dadaluhan ito nina Kalihim Fortunato Dela Penia ng Department of Science and Technology (DOST), Dr. Renato Solidum, director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Secretary Emmanuel de Guzman ng Climate Change Commission at mga plenary speakers ng Japan, Thailand, Taiwan at Vietnam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Rickmar Aquino, pangulo ng ISU system na kasama nilang nagsagawa ng konsepto sa international conference ang National Taiwan Ocean University at National Taiwan University kasama ang Water Resource Agency ng Taiwan.
Kahapon ay nagkaroon sila ng meeting sa kanilang mga partner sa Taiwan at sa Pilipinas para itatag ang International Network on Climate Change Disaster.
Aniya, marami sa mga representatives ng Japan, Taiwan, Thailand at Vietnam ay mga plenary speakers para maibahagi nila ang kanilang mga teknolohiya na mayroon sa kanila at kanilang mga best practices na puwedeng ma-adopt sa Pilipinas.
Kabilang ang Japan at Taiwan dahil pareho ng Pilipinas na palaging tinatamaan ng malalakas na bagyo at nasa Pacific ring of fire kaya nagkaroon ng kasunduan na isagawa ang conference para magkaroon ng sharing ng technology, resources at best pratices para maibsan ang epekto ng kalamidad.
Ayon kay Dr. Aquino, kailangang maging handa ang lahat at makapagpatupad ng makabagong pamamaraan para maibsan ang epekto ng pagbabago ng panahon at ligtas na pamumuhay ang mga mamamayan.
Sinabi ni Dr. Aquino na inanyayahan nilang dumalo sa international conference ang maraming sektor at ahensiya lalo na sa mga kalapit na rehiyon tulad ng Cordillera Administrative Region (CAR).
Katuwang nila ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela at pamahalaang lunsod ng Cauayan at Echague na sponsor sa conference at mga ahensiya tulad ng DOST, DA at iba pang partner agencies.
Sa huling araw ng international conference sa October 25, 2018 ay lalagda ng kasunduan ang pamunuan ng Magat Dam at partner sa Taiwan, ang Shihmen Dam.
Ito ay para maibahagi nila ang teknolohiya na nagpapatagal sa tubig ng Shihmen dam kaya nagagamit nang husto ang resources gayundin ang teknolohiya ng Magat Dam na puwede rin nilang ma-adapt.
Sa San Mateo, Isabela ay bibisitahin nila ang isang resilient community na napili ng LGU partner.