CAUAYAN CITY – Labis ang pighati ng mga pamilya ng tatlong estudyante na nalunod sa magkakahiwalay na ilog sa Siyudad ng Ilagan at Delfin Albano, Isabela.
Itinuturing na bayani ang isa sa dalawang nasawi sa San Jose, Delfin Albano, Isabela, na si Catner Ramos, 13-anyos na Grade 8 student, dahil bago nalunod ay nasagip niya si Jennifer Galabay.
Nalunod si Ramos at ang ikalawang babae na si Christine Jane Padilla ng Mambabanga, Luna, Isabela, na tinangka niyang sagipin mula sa pagkalunod.
Sa imbestigasyon ng Delfin Albano Police Station, dumalo sa isang kasalan ang dalawa babae at nagkayayaan sila na magtungo sa ilog upang maligo kasama ang dalawa pang kabataan.
Habang naliligo ay napadpad sa malalim na bahagi ng ilog sina Galabay at Padilla dahilan para sila ay tangayin ng malakas na agos ng tubig.
Nang ito ay makita ni Ramos, sinikap niyang sagipin ang dalawa ngunit si Galabay lamang ang kanyang nailigtas.
Kumapit umano si Padilla sa leeg ni Ramos kaya sila ay lumubog at nalunod.
Natagpuan na ang bangkay ni Padilla ngunit patuloy na pinaghahanap ang katawan ni Ramos.
Samantala sa Lungsod ng Ilagan, nalunod ang isang Grade 9 student sa Pinacanauan River na nasasakupan ng Barangay Baculod.
Ang biktima ay si Lloyd Jeric Sabado, 15-anyos at residente ng Marana 1st, Lunsod ng Ilagan.
Sa impormasyongnakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Ilagan City Police Station, nagkayayaan ang biktima at kanyang mga kaibigan na maligo sa ilog dakong alas-2:00 ng hapon.
Napadako umano si Sabado sa malalim na bahagi ng ilog at tinangay ng malakas na agos ng tubig.
Natagpuan ng mga rescue team ang biktima at naisugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.