CAUAYAN CITY – Sunud-sunod na grass fire ang tinugunan kahapon ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City.
Kabilang Dito ang dalawang grass fire na nangyari sa Minante 1 at isa naman sa Buena Suerte, Cauayan City.
Una nilang tinugunan ang grass fire sa Minante 1, sunod sa barangay Buena Suerte at ang huli ay ang isa pang sunog sa bakanteng lote sa Purok 3, Minante 1 pangunahin na sa likod ng isang resort.
Nagdulot ito ng pangamba sa mga residente na malapit sa lugar dahil sa laki ng apoy at mabuti na lamang dahil hindi nadamay ang kanilang mga bahay.
Mano-mano naman ang ginawa ng mga kasapi ng BFP Cauayan City para maapula ang apoy dahil hindi nila maipasok ang kanilang fire truck.
Patuloy ang paalala ng BFP Cauayan City sa publiko na iwasan muna ang pagsusunog ng mga damo o basura para maiwasan ang ganitong pangyayari.











