--Ads--

Arestado ang tatlong indibidwal matapos maaktuhan umanong nagsasagawa ng ilegal na pagsusugal o paglalaro ng tong-its sa Brgy. Turayong, Cauayan City, Isabela. ‎

‎Batay sa ulat, bandang alas-3:00 ng hapon nang matanggap ng mga awtoridad ang impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad sa likod-bahay ng isang residente sa Purok 2.

Agad namang nagsagawa ng beripikasyon ang mga tauhan ng intelligence unit ng himpilan ng pulisya sa lungsod. ‎ ‎Pagdating sa lugar, nadatnan umano ng mga pulis ang mga suspek na aktwal na naglalaro ng baraha o tong-its na may nakapatong na perang taya sa ibabaw ng mesa. Dahil dito, kaagad silang inaresto dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602 o Anti-Illegal Gambling Law. ‎ ‎

Nakumpiska sa lugar ang isang kahoy na mesa, tatlong monoblock na upuan, isang set ng baraha, at perang nagkakahalaga ng ₱550 na hinihinalang ginamit bilang tayaan. ‎ ‎

--Ads--

Kinilala ang mga naaresto sa alyas na “Celia,” 63 anyos; “Rene,” 56 anyos; at “Richard,” 45 anyos, pawang mga residente ng Brgy. Turayong. Dalawa sa mga ito ay nagtatrabaho bilang tricycle driver. ‎ ‎

Ipinaalam sa mga suspek ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto at binasa ang kanilang mga karapatan alinsunod sa Miranda Rights sa wikang kanilang nauunawaan.

Dinala sila sa himpilan ng pulisya para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon ng kaso. ‎ ‎

Patuloy namang pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na iwasan ang anumang uri ng ilegal na pagsusugal upang hindi maharap sa kaukulang parusa sa ilalim ng umiiral na batas.