--Ads--

Inaresto ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), katuwang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Aritao Municipal Police, ang tatlong indibidwal dahil sa pagbebenta ng hindi rehistradong fertilizers at agricultural growth hormones.

Kinilala ang mga suspek bilang dalawang lalaki na may edad 34 at 45, at isang babae na 36 anyos, na pawang mga residente ng Guimba, Nueva Ecija.

Sa isinagawang operasyon, nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang nasa ₱475,000 halaga ng hindi rehistradong produkto. Kabilang dito ang 40 bote ng 250ml Morbunga Vitamin Fertilizer, 80 bote ng 250ml Kill, 24 bote ng 500ml Berde Super Growth Hormones, at 80 bote ng 250ml Long Death.

Ayon kay FPA Executive Director Glenn Estrada, mahalaga ang operasyon sapagkat ang mga nasabing produkto ay hindi rehistrado sa FPA, kaya’t hindi rin awtorisado para ipamahagi o ibenta.

--Ads--

Samantala, pinuri ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel ang nasabing operasyon at binigyang-diin ang panganib na maaaring idulot ng paggamit ng mga hindi awtorisadong produkto sa sektor ng agrikultura.