CAUAYAN CITY- Nasawi ang tatlong katao kabilang ang suspek sa nangyaring pamamaril sa isang kasalan sa Purok 6, Brgy. Centro San Antonio, City of Ilagan, Isabela.
Naganap ang insidente kaninang alas tres y media ng madaling araw.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCPT Ronnie Heraña Jr, Chief Investigator ng City of Ilagan Police Station aniya na parehong binawian ng buhay ang mga biktima na kinilalang sina Charlie Rosete, 49 anyos, magsasaka at Marvin Jake Coloma, 23 anyos, may asawa habang ang suspek naman ay kinilalang si Arnel Bielgo, nasa hustong gulang, magsasaka, may asawa na pawang mga residente ng nasabing lugar.
Aniya na lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na habang nasa kasalan ay bigla nalang umanong nagpaputok ng baril ang suspek na kung saan tinamaan ang unang biktima na si Rosete.
Matapos isagawa ng suspek ang pamaaril ay umalis ito sa pinangyarihan ng insidete ngunit agad namang itong hinabol ng mga barangay tanod at mga residente na nasa lugar.
Habang naghahabulan ay nagpatuloy umano sa pagpapaputok ang suspek kung saan tinamaan naman ang pangalawang biktima na si Coloma na isa sa mga humahabol dito.
Dahil sa patuloy na pagpapaputok ng suspek ay gumanti naman umano ang mga rumispondeng mga tanod at residente sa pamamagitan ng pagbato rito ng bato at tinamaan ang suspek sa ulo na nagresulta sa kanyang pagkasawi.
Narekober naman sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na baril na isang caliber 38 revolver na mayroong tatlong basyo ng bala at tatlong live ammunition.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng City of Ilagan Police Station hinggil sa nangyaring pamamaril.