--Ads--

CAUAYAN CITY- Nasawi ang 3 katao habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos mabangga ng pampasaherong bus ang kinalululanan nilang tricycle sa pambansang lansangan na sakop ng Brgy. Nappaccu Pequeno, Reina Mercedes, Isabela.

Ang tricycle ay minamaneho ni Marvin Aquino, habang sakay nito ang kaniyang mga kamag-anak na sina Felina Naca, Carol Cadiz, Josie Viernes, Felicidad Sales at isang menor de edad na pawang residente ng Luna, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Jefferson Dalayap, Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niya na parehong binabagtas ng dalawang sasakyan ang pambansang lansangan patungong Lungsod ng Cauayan.

Nasa outerlane umano ang tricycle habang nasa fast lane naman ang bus na minamaneho ni Julius Camua na residente ng Gonzaga, Cagayan.

--Ads--

Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente ay akma umanong magyu-u-turn ang tricycle dahilan kaya’t nabangga ito ng paparating na bus.

Dahil sa may kadiliman ang lugar at mayroong kabilisan umano ang takbo ng bus ay hindi agad nito napansin ang papalikong tricycle at huli na bago ito makapag-preno.

Dahil dito ay nagtamo ng malubhang sugat sa katawan mga lulan ng tricycle na sina Naca, Cadiz at Viernes na nagresulta sa kanilang agarang pagkasawi habang nagtamo rin ng matinding injury ang tsuper ng triycle at iba pa nitong sakay.

Hindi naman nasaktan ang driver ng bus maging ang mga pasahero nito.

Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resuting to Multiple Homicide, Multiple Physical Injury and Damage to Properties ang tsuper ng bus na kasalukuyang nakahimpil sa Reina Mercedes Police Station.