
CAUAYAN CITY– Nagtamo ng sugat sa mga katawan ang 3 katao matapos magbanggaan ang dalawang sasakyan sa pakurbadang daan sa Gabut, Dupax Del Sur, Nueva Vizcaya kaninang tanghali
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang Mitsubishi L300 na may plakang UKX 452 ay binabagtas ang daan patungong Hilagang Direksiyon habang ang kasalubong na Totota Tamaraw FX na may plakang TTP 974 ay umanoy umagaw ng linya sa pakurbadang daan na nagsanhi ng banggaan ng dalawang sasakyan.
Ang L300 van driver ay si Felipe Ancheta Cayugan, 38 anyos, may-asawa kasama ang kanyang anak na si Collin Rey Ancheta 6 anyos, mag-aaral at kapwa residente ng Calitlitan, Aritao, Nueva Vizcaya
Ang tsuper ng tamarraw fx ay si Nestor Carpio, 57 anyos, may-asawa at residente ng Pilpiloy, Pito, Bokod, Benguet at ang pasahero nito na si Denver Leaño, 61 anyos, may-asawa at residente ng Bobok-Bisal, Bokod, Benguet.
Tumugon sa aksidente ang mga kasapi ng MDRMMO Aritao at Dupax Del Sur.
Kapwa naipit ang dalawang drayber ng sasakyan ngunit mas napuruhan ang driver ng tamaraw fx na nagtamo ng matinding injury sa dibdib habang nasugatan sa paa ang driver ng close van.
Nagtamo ng pinsala sa mukha si Denver Leaño, habang maaring maputulan ng paa ang batang biktima na si Collin Rey Ancheta na hindi nakasuot ng seat belt nang maganap ang aksidente
Ang mga biktima ay nanatili pa rin sa pagamutan.
Ayon sa Dupax Del Sur Police Station bagamat kumpleto sa mga road Signages ang lugar ay maituturing itong accident prone area dahil sa sharp curve area.
Magugunitang nagkaroon din ng aksidente sa nabanggit na lugar dalawang linggo na ang nakakaraan kung saan nasawi ang dalawang lalaking lulan ng trailer truck na may dalang mga dog food.










