Hindi bababa sa tatlong katao ang nasawi sa Southwestern Japan sa pag-landfall ng Bagyong Shanshan, na nagdulot ng malakas na hangin, malakas na pag-ulan, at pagguho ng lupa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Myles Briones Beltran, isinara na ang mga establisimento at mga pabrika habang daan-daang flights ang kinansela nang mag-landfall ang bagyo malapit sa Satsumasendai City na matatagpuan sa timog-kanlurang isla ng Kyushu.
May pagbugsong aabot sa 198 kph (123 mph) ang nasabing bagyo ayon sa Japan weather agency.
Nagbabala naman ang mga awtoridad na ang bagyo ay maaaring isa sa pinakamalakas na tumama sa rehiyon, kung saan 5.2 milyong katao ang inabisuhan sa paglikas sa ilang prefecture.
Dose-dosenang mga katao ang nasugatan nang masira ng malakas na hangin ang mga bahay, na nag-iwan ng 1/4 ng isang milyong katao na wala nang kuryente.
Sa nakalipas na 48 hrs. ang ilang lugar ay inulan ng higit sa 700mm.
Matapos hampasin ang Kyushu sa mga susunod na araw, inaasahang lalapit ang bagyo sa gitna at silangang mga rehiyon, kabilang sa Tokyo, sa katapusan ng linggo.