Sugatan ang 3 katao sa pag-araro ng isang SUV sa dalawang motorsiklo at isang kotse sa Diamantina, Cabatuan, Isabela dakong alas-7 ng umaga nitong Pebrero 1, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ceasar Bryan Madriaga, nakasaksi sa pangyayari, sinabi nito na binabaybay ng isang pulang kotse ang national highway patungong North Direction at ito ay sinusundan ng dalawang motorsiklo — ang isa ay may lulang mag-ina habang ang isang motorsiklo naman ay minamaneho ng pamangkin ng nakasaksi.
Aniya, normal lamang ang takbo ng mga sasakyan subalit bigla na lamang lumitaw ang isang puting SUV na mabilis ang patakbo mula sa likuran at inararo ang sinusundang nabanggit na mga behikulo.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga lulan ng dalawang motorsiklo habang hindi naman nasugatan ang driver ng pulang kotse, at nakabanggang SUV.
Ayon kay Madriaga, sila na ang nagtakbo sa pagamutan sa kaniyang pamangkin na unang nasapok ng SUV.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang pagsisiyasat ng mga kapulisan upang malaman ang sanhi ng insidente, at ang pananagutan ng mga sangkot.





