--Ads--

Nasugatan ang tatlong katao matapos ang pagbangga at pagdiretso ng isang kotse sa loob ng isang supermarket sa Solano, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Novalyn Aggasid, Information Officer ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO, sinabi niya na alas siete ng gabi nang mangyari ang aksidente na kinasangkutan ng isang pulang Toyota Wigo na minaneho ng isang babaeng Senior Citizen na residente ng Bonfal Proper, Solano Nueva Vizcaya.

Ayon sa tsuper paparada sana siya sa harapan ng nasabing establisimento na medyo pataas ang parking area kaya dumiin ang tapak niya sa accelerator para umabot sa paradahan ngunit hindi na niya nakontrol ang sasakyan at dumiretso sa glass wall ng supermarket.

Agad na nagkagulo ang mga mamimili at tauhan ng supermarket, habang tinutulungan ang mga nasaktan na kasalukuyang nasa loob ng tindahan.

--Ads--

Kabilang sa mga sugatan ang dalawang bata at isang empleyado na tinamaan ng basag na salamin sa kamay.

Agad naman silang isinugod sa pinakamalapit na pagamutan at sa ngayon ay nasa maayos na silang kalagayan.

Batay sa pagsisiyasat ng pulisya sa insidente, isa sa nakikitang rason ay ang pagkukulang sa parte ng drayber o human error.

Dahil sa pangyayari, pansamantalang isinara ang supermarket upang bigyang-daan ang imbestigasyon at paglilinis sa lugar.

Sa ngayon ay nagkaroon na ng pag-uusap ang tsuper at ang mga biktima kung saan babayaran nito ang hindi pagpasok sa trabaho ng pitong araw ng isa sa mga biktima maging ang pagpapagamot sa tinamo nilang sugat maging ang halaga ng pinsalang tinamo ng establisimento.

Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na maging maingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga pampublikong lugar.