Arestado ang tatlong lalake at isang babae sa pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa isinagawang buy-bust operation ng PNP sa Purok 2, Mabini, Santiago City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Hassan Nor Damac, Acting Station Commender ng Santiago City Police Station 4, sinabi niya na ang mga pinaghihinalaan ay sina alyas “Aleli”, babae, nasa wastong edad; alyas “John”, nasa wastong edad, binata; alyas “Amang”, nasa wastong edad at kapwa residente ng Purok 2, Mabini, Santiago City at alyas “Athan”, nasa wastong edad at residente ng Purok 5, Nabbuan, Santiago City.
Bukod sa nabiling ipinagbabawal na gamot, nakuha rin sa pag-iingat ng mga pinaghihinalaan ang buy-bust money, labing isang piraso ng medium size na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu; labing isa pang piraso ng maliit na transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu; isang piraso ng zip lock na naglalaman ng fruiting tops ng Marijuana; isang zip lock at isang tumbler na may lamang foil, tatlong improvised glass toother pipe, digital weighing scale; tatlong lighter; tatlong Android Phones at iba pa nilang personal na gamit.
Matapos ang imbentaryo ay dinala ang mga pinaghihinalaan at mga naturang ebidensiya na nakalap sa imbestigasyon sa SCPO Station 4 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon maging ang pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 laban sa kanila.