Hindi makapaniwala ang mga residente ng isang tahimik na komunidad sa Texas, U.S.A. nang malaman nilang tatlong magkakapatid na dalagita, edad 14, 15, at 16, ang nagtangkang patayin ang kanilang 39-anyos na ina dahil ini-off nito ang WiFi.
Ayon sa ulat ng Harris County Sheriff’s Office, naganap ang insidente noong March 23 ng gabi sa kanilang bahay sa Houston. Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo matapos i-off ng ina ang internet connection sa kanilang tahanan.
Sa hindi inaasahang galit, sabay-sabay umanong kumuha ng mga kutsilyo sa kusina ang tatlong dalagita at hinabol ang kanilang ina sa buong bahay na umabot hanggang sa kalsada.
Sa kasagsagan ng kaguluhan, hinampas pa raw ng isa sa mga dalagita ang kanilang ina gamit ang isang brick, habang ang kanilang 70-anyos na lola, na nagtangkang umawat, ay natumba sa lakas ng tulakan.
Mabilis namang nakaresponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat ng kaguluhan. Sa kabutihang palad, parehong ligtas ang ina at lola, bagamat nakaranas ng injuries.
Agad namang inaresto ang tatlong magkakapatid at sinampahan ng kasong aggravated assault with a deadly weapon. Kasalukuyan silang nakakulong sa Harris County Juvenile Detention Center.
Hindi pa malinaw kung ano ang maaaring maging hatol sa tatlong dalagita, ngunit tiyak na haharap sila sa seryosong kaso. Samantala, maraming netizens ang hindi makapaniwala na umabot sa ganitong punto ang away sa loob ng pamilya.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidenteng ito na nagsilbing babala sa lahat ng magulang tungkol sa epekto ng labis na paggamit ng teknolohiya sa mga kabataan ngayon.











