
CAUAYAN CITY – Maayos at naging payapa ang naganap na tatlong magkakasunod na kilos protesta sa Region 2.
Ito ay nagbunga ng positibong resulta ng pag uusap sa pagitan ng COMELEC, PNP Santiago City at ng isang libong mga supporter ni Mayoral candidate Otep Miranda hinggil sa kanilang apelang re-count sa resulta ng Mayoralty race sa nasabing lunsod.
Maayos ang naging pag uusap sa pagitan nina Atty. Wilma Binbinon, Election Officer ng Santiago City, PCol. Reynaldo Dela Cruz, City Director ng SCPO at ang mismong Organizer ng Rally.
Naging payapa din ang kilos protesta ng mga kabataan sa Bayombong, Nueva Vizcaya kahapon ng umaga.
Ayon kay Nueva Vizcaya PNP Provincial Director PCol. Ranser Evasco, dakong alas-onse ng umaga kahapon nang magsagawa ng kilos protesta ang grupo ng supporter ni Vice President Leni Robredo sa harapan ng COMELEC Office, Bayombong, Nueva Vizcaya subalit hindi rin ito nagtagal.
Unti-unting nawala sa kalsada ang aabot dalawampung kabataan na naglakad lamang umano mula COMELEC office hanggang sa harapan ng St Dominic Cathedral na may bitbit na mga placard at humihirit din ng re-count sa resulta ng bilangan sa pagka-pangulo.
Samantala, mapayapa ding natapos ang kahalintulad na protesta ng mga miyembro ng Kabataan Partylist sa Alibagu, Ilagan city na kumukuwestyon sa resulta ng bilangan sa katatapos na halalan.
Katulad ng ginawa ng Santiago City Police Office at Nueva Vizcaya PPO, nagtalaga din si Isabela PNP Provincial Director, PCOL Julio Go ng sapat na bilang ng mga pulis sa lugar upang makontrol at mapanatili ang maayos at payapang kilos protesta.










