--Ads--

CAUAYAN CITY– Tatlong magsasaka ang namatay matapos pagbabarilin at saksakin sa Cabagan at Ilagan City, Isabela.

Ang biktimang si Gaudencio Uy, 63 anyos, magsasaka, may asawa at residente San Antonio, Cabagan, Isabela ay namatay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Isabela Police Provincial Office (IPPO) lumabas sa imbestigasyon pagsisiyasat na umiinom ng alak habang nanonood sa television sa kanilang bahay ang biktima kasama ang kanyang misis na si Carmela nang dumating ang hindi pa nakikilalang suspek at biglang pinagbabaril ang biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Sa imbestigasyont ng Scene of the Crime Operatives ( SOCO) sa pinangyarihan ng krimen ay nakuha ang ilang basyo ng bala ng M16 Armalite rifle sa pinangyarihan ng krimen.

--Ads--

Samantala, namatay din ang dalawang magsasaka matapos silang pagsasaksakin ng kanilang kainuman sa Pasa, Ilagan City.

Ang mga biktima ay sina Rodel Versoza, 23 anyos, may asawa, magsasaka at si Gerry Timbreza, 34 anyos, binata, magsasaka habang ang suspek ay si Resty Mateo, 29 anyos, binata, karpintero at pawang residente ng nasabing barangay.

Nag-iinuman ang mga biktima at ng suspek nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan na humantong sa pananaksak ng suspek sa mga biktima.

Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang mga biktima na agad dinala sa ospital subalit sila ay idineklarang dead on arrival ng kanilang attending physician.

Ang suspek ay nasa pangangalaga na ng Ilagan City Police Station at sasampahan ng dalawang kaso ng homicide.