Tatlo ang kumpirmadong nasawi habang apat pa ang patuloy na pinaghahanap sa tumaob na bangkang pangisda habang naka-angkla sa San Vicente Port, Sta. Ana, Cagayan sa kasagsagan ng Super Typhoon Nando.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CG ENS Dionisio Mahilum Jr. ang information officer ng Coast Guard District North Eastern Luzon, sinabi niya na isa sa mga kasamahan ng mga mangingisda ang nagbigay ng impormasyon kaugnay sa kinahinatnan ng crew ng MV “JONHENZ”.
Aniya agad na nagsagawa ng operasyon ang Coast Guard Sub-station Sta. Ana, Philippine Navy, Coast Guard Special Operations Group Divers, Coast Guard Medical Team, at mga rescuer mula sa Lokal na Pamahalaan ng Sta. Ana para mahanap ang crew ng MV Jonhenz.
Kahapon ay isa pang bangkay ang narecover ng rescuers sa dalampasigan may kalayuan kung saan tumaob ang bangka.
Una nang naisalba ang anim na mangingisda habang dalawa ang nasawi bago natagpuan ang iba pang biktima.
Sa kabuuan, 13 ang sakay ng naturang bangka na nakadaong sa lugar nang ito ay tumagilid at tuluyang tumaob dahil sa malalakas na alon at bugso ng hangin bunsod ng pananalasa ng Super Typhoon Nando.
Apat na crew nito ang ligtas na nakalangoy patungo sa kabilang bangka na nakadaong sa di kalayuan habang ang dalawa ay na trap na tumaob na bangka at kinailangan pang gumamit ng chainsaw para mailabas ang mga ito.
Ang anim na nailigtas at dalawang nasawi ay pawang mga residente ng Quezon Province at Daet, Camarines Norte, habang ang isa pang namatay ay mula sa Casambalangan, Sta. Ana, Cagayan.
Batay sa ulat ang grupo ay galing umano sa Aurora Province at dahil sa sama ng pan.
Sa ngayon nagpapatuloy parin ang search and rescue operation ng iba’t ibang team ng rescuers at koordinasyon sa mga karatig na lugar upang mapabilis na mahanap ang nawawala pang tatlong mangingisda.
Muli namang binigyang diin ng PCG na nakataas parin ang “No Sailing Policy” sa karagatan sakop ng Cagayan at Isabela dahil sa matataas parin ang alon sa karagatan.











