CAUAYAN CITY- Tatlong indibidwal na may mga nakabinbing kaso ang naaresto ng mga otoridad sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa ng Cauayan City Police Station.
Unang naaresto ang isang 42- anyos na lalaki na may kinakaharap na kaso ng statutory rape sa Barangay District 3, Cauayan City, Isabela.
Ayon sa Cauayan City Police Station, stepdaughter nito ang menor de edad na biktima kung saan dalawang beses umano itong pinagsamantalahan ng suspek.
Nanay mismo ng biktima ang nagsampa ng kaso laban sa akusado ngunit ayon sa pakikipag-ugnayan nito sa pulisya ay may plano umano itong iurong ang kaso dahil na rin sa walang piyansa ang pinagkaloob ng korte para sa pansamantalang paglaya nito.
Samantala, naaresto rin kagabi ang isang lalaki na may kinakaharap na kasong child abuse sa Barangay District 1, Cauayan City, Isabela.
Ang akusado ay 59- anyos at residente ng nabanggit na barangay.
Ayon sa pulisya, binato umano ng mga bata ang isang sasakyan sa kanilang lugar at sinita umano ito ng akusado ngunit imbes na tumalima ay nang asar pa ang mga bata dahilan para humantong sa pananakit.
Sinubukan pa umano itong aregluhin sa barangay ngunit hindi na nagkaayos ang magkabilang partido kaya nauwi sa demandahan.
May inirekomenda namang piyansa ang korte na 80, 000 pesos para sa kaniyang pansamantalang paglaya.
Samanatala, naaresto rin ng mga otoridad sa Brgy. Nagrumbuan, Cauayan City si Ariel Reyes, 36- anyos para sa kasong Assault upon an Agent in Person in Authority matapos umano itong magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa kanilang barangay kagawad.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na Cauayan City Police Station ang akusado para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.