CAUAYAN CITY – Mariing itinanggi ng tatlong suspek na naaresto sa isinagawang drug buy-bust operation sa isang drive-in hotel sa San Fermin, Cauayan City na may naganap na transaksyon sa pagitan nito at mga alagad ng batas.
Ang mga inaresto ay sina Danilo Guerrero, 45 anyos, laborer at asawang si Jovie Guerrero, 43 anyos at ang naniningil sa kanila na si Velma Estrada, 48 anyos, pawang residente ng Marabulig 1, Cauayan City.
Unang napaulat sa Bombo Radyo Cauayan na inaresto sila ng mga magkasanib na puwersa ng Cauayan City Police Station , PNP Highway Patrol Group (HPG) Isabela at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa kuwarto ng isang hotel.
Sa naging ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa dalawang ginang ay sinabi nilang set up ang nangyaring operasyon at pagdakip sa kanila dahil wala naman silang kinalaman sa naturang insidente.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Danilo Guerrero ay pinabulaaann niya ang pahayag ng mga otoridad na nagkaroon siya ng transaction sa nagsilbing buyer sa drug buy-bust operation.
Aniya, nabigla na lamang siya nang may kumatok sa pintuan ng kanilang nirentang kwarto at pagbukas ay agad na nagpakilala ang tatlong pulis at pinadapa na sila .
Inihayag pa ni Danilo Guerrero na habang nakadapa siya sa kama ay iniharang niya ang mga kamay sa kanyang bulsa sa pangamba na tataniman ng kontrabando ngunit nagulat siya nang makita kanyang tabi ang nalukot na 1,000 pesos na sinasabing ginamit na drug buy-bust money.
Paliwanag pa ng suspek na kagagaling nito sa kanyang trabaho bilang construction worker at sa katunayan ay sinamahan lamang niya ang asawa kaya’t imposibleng sa kanya ang sinasabing droga na nakuha ng mga otoridad sa isinagawang operasyon.
Ayon naman sa Cauayan City Police Station, unang beses na nasangkot sa ganitong uri ng kaso ang mag-asawa na maituturing na newly identified drug personality.






